P i N t U r A



Ang Hinanahanap ko sa lalaki (Rebecca Añonuevo)

Ako’y ibigin mo
Laking matapang
Ang sundang ko’y pito
Ang baril ko’y siyam
-Leron, Leron Sinta
Ang hinahanap ko sa lalaki
Ay walang labis-walang kulang,
Walang maliw na katapangan.
Ang matapang na lalaki’y
May handogna pumpon ng liwanag.
Binibigkas ako sa bitag ng panghuhula
Kung ano ang kanyang iniisip.
Ang lalaking matapang ay hindi umiiwas
Madamtan ng sarili niyang luha
Sakaling datnan ng panahong
Kahit gaanong pag-iingat
Ay makasusubasob ang batong nagkalat,
Matalas at humihiwa sa mga pangarap.
Hahayaan niya akong makalipad.
Kailangan kong lakbayin ang sarili
At tipunin muli ang lakas.
Batid niyang nasasabik ako sa buga
Ng bungkos-bungkos na ulap
Na naghihintay sa lipos kong awit.
Maraming taon ang hahawiin ng aming sumpaan.
Magkaritmo ang tula at bisig,
Salit-salit, ang matapang na lalaki’y
Magmamakaawa at maninibasib,
Maghihimagsik at manginginig,
Sa sukdulang latay ng dahop at luwalhati.
Hanggang pumailanlang ang panaghoy ng wakas.
Ang matapang na lalaki’y muling mangungusap,
Tulad ko’y malulungkot, ngunit hindi matitinag:
Kung paanong nagtapat siya
Kung gaano ang kanyang pag-ibig
Gayon din, gayon din katapat
Ang inaasahan kng tinig -
“Hindi na kita iniibig”
–Bago ang Babae, 1999

Leave a Comment

(required)

(required)



Formatting your comment
Back to Top | Textarea: Larger | Smaller